Posts Tagged ‘kaunlaran’

Ekonomiks 101: Kaunlaran

Hindi ako ekonomista. Ngunit naguguluhan ako sa “kaunlarang” ipinangangalandakan ng administrasyon sa kabila ng pagdami ng mga nagugutom at walang trabaho. Sapat na bang batayan ang pagdami ng minahan sa bansa? Sukatan ba ang remittances [Capital LBC] na pinapadala ng mga OFW? E bakit, patuloy pa rin ang pagkadismaya ng sambayanang Pilipino?

Baka naman nakasama sa bansa ang pagkakaroon ng mga ekonomistang nag-aral sa mga akademya ng dayuhan. Baka di akma sa atin ang sinasambang ekonomiya ng kanluran na nag-pakilala sa atin ng plastic [at kapalstikan], pestisidyo, krudo, mina at pulbura. Marahil ay di akma ang parametrong pilit nilang ipinagduldulan sa mga mahihirap na bansa. Marahil ay masyado tayong kinilig sa industrialisasyong naghatid ng bilyong tonelada ng Carbon sa atmosphere.

Buksan natin ang ating mga mata. Ano ba ang dulot ng industriyalisasyon sa bansa? Naging dependent ang ating mga sakahan sa pestisidyo. Naging marumi ang ating karagatan sa plastic at latak ng pabrika. Nangitim ang hangin sa mga siyudad dahil sa krudo. At marami ang nagkasakit dahil sa pagmimina.

Masyado akong na-stress sa sitwasyon nating ito kaya mungkahi ko na baguhin natin ang batayan ng kaunlaran ayon sa tunay na pangangailangan ng ating bansa:

1. Agrikultura. Bakit natuon nang labis ang pansin natin sa pag-unlad na dulot ng industriyalisasyon at nakaligtaan natin ang kasiguruhan sa pagkain? Lahat ay gusto sa siyudad. Lahat ay gusto magtrabaho sa pabrika at opisina. Wala na ang gustong mag-aral ng agrikultura. Iniwan nang tiwangwang ang mga lupain. Pinalala pa ito ng wala sa pusong pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

2. Kalusugan. Hindi ba’t ang kalusugan ay batayan din ng maunlad na pamayanan? Aanhin ang mga gusali’t basketball courts kung laganap ang sakit at malnutrisyon. Ito ang bagay, kasama ng kalikasan,  na ipinagpalit natin sa “yamang” bigay ng mina.

3. Kalikasan. Sustainable Development – ito ang gasgas na salitang patuloy na ginagamit sa industriyang turismo. Ngunit napigilan ba ang kontaminasyon ng tubig na dulot ng tinatawag nilang “mass tourism?” Napigilan ba ng pagkasira ng bahura dahil sa pagdagsa ng mga iresponsableng turista? Matagumpay ba ang DENR sa pangangalaga ng protected areas? O baka naman sila ang dahilan ng pagkasira nito?

Sa kalikasan nakasalalay hindi lang ang pangmatagalang industriyang turismo kundi na rin ang kasiguruhan sa pagkain. Ang maayos at organisadong pangangalaga ng kalikasan ang tunay na batayan ng kaunlaran.

4. Karunungan. Isa ring batayan ng pag-unlad ang karunungan at kaalaman. Ngunit hindi sapat ang pagpapatayo ng mga paaralan at hindi rin sapat ang mababang tuition fee, libreng aklat at karagdagang guro. Makikita ang pag-unlad sa kakayanan ng mga mag-aaral na mamuno, kasanayan sa larangan ng agham at malawak ng pag-unawa sa mga nangyayari sa bansa.

5. Moralidad. Ito ang pinakamataas na batayan ng pag-unlad. Kung sapat ang pagkain hindi na maiisipan ang magnakaw at manlamang ng kapwa. Kung sapat ang talino, may malawak na pang-unawa sa bawat isa. At kung malinis ang kalikasan, malinis din ang maiisip ng mga mamamayan.

Panahon na ba para iwan natin ang maka-dayuhang pananaw sa pag-unlad? Marahil ay hindi pa tayo handa. Maharil ay ayaw natin. Marahil ay mali ako.