Palakang Sagigilid

Artwork by Kutchai Jovi

Artwork by Kutchai Jovi

Habang binabaybay ko ang ilog papunta sa bahay ko sa bukid, napansing kong humina ang daloy nito kumpara nung tag-init ng nakaraang taon. Naisip ko ang magiging epekto nito sa irigasyon sa baba. Nakakatakot din ang bahang idudulot nito sa tag-ulan kapag nagpatuloy ang paghina ng daloy nito sa tag-init. Alam ko ang dahilan. Ito ay ang walang habas na pagputol ng kakahuyan sa gubat sa taas.

Nalungkot ako sa kalunos-lunos na paglaho ng gubat habang patuloy ang pagdami ng mga gusali sa kabihasnan. Paano na ang mga magsasaka? San na dadapo ang mga ibon? Paglipas ng sampung taon mula ngayon, may makikita pa kaya akong batis? Nandidito pa kaya ang mga palakang ‘tong tumatalon? Biglang huminto ang isang palaka sa pagtalon. Kinabahan ako’t napatigil sa paglalakad. Magsasalita rin ba ito? Lalo akong nahintakutan nang ito’y lumingon sa akin. Matagal na katahimikan…    …salamat at hindi ito nagsalita.

Ngunit bigla, ngumiti ang palaka. Nangalisag ang aking balahibo. Inalog ko ang ulo ko ngunit nanatili ang aking nakikita. Mas lalong tumindi ang kilabot na nararamdaman nang ipakita n’ya ang kanyang masel. Nanginginig ang kamay kong inapuhap ang yosi. Halos malaglag ang lighter habang sinisindihan ‘to. At inihakbang ko uli ang paa ko upang lumisan sa pook na iyon. Ayaw ko nang makita ang pangitaing ‘yon.

Nagpatuloy ako sa paglalakad. Nang bigla, nanlaki ang aking mga mata nang may narinig akong awit na kaboses ni Luciano Pavarotti mula sa likuran, “Hoooopyang diii mabileee.” Paglingon ko, nakita ko si Palakang umaawit, with feelings pa. “Tangna mo palaka! Ayaw mo kong tantanan ha,” wika ko. Dinampot ko ang tsinelas ko at akmang babatuhin si Palaka nang may kamay na pimigil sa akin. “Wag mo s’yang saktan. Pakinggan mo ang kanyang ibig ipahiwatig.” Si Inang Kalikasan pala. Ngayon ko lang namalas ang ganda n’ya.

Bilang paggalang kay Inang Kalikasan, kinain ko na lang ang aking pride at umalis sa pook na iyon. At sa paglakad ko pauwi, pinilit kong namnamin ang nakakasukang berso ni Palaka. Hopyang di mabili? Hopyang di mabili…    …hopyang di mabili. Pinilit kong hagilapin ang sense sa awit na ‘yon. Ngunit wala akong maapuhap.

Pagkaraan ng mga ilang araw, natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakaupo sa hagdanan. Kumakain ng sandamakmak na hopya..   …habang pilit na inaaarok ang ibig ipahiwatig ni Palaka.

Kabanata 13 ng seryeng kwentong dagta

2 responses to this post.

  1. Posted by tandangtomas on Hulyo 16, 2009 at 12:15

    siksik po sa metapora ang kuwentong ito. pero mahirap tukuyin kung ano ang konkretong gustong ipahayag.

    nakapagtuturo ito sa akin kung paano gagamitin ang mga konkretong bagay, materyal, hayop, tao, kaisipan sa pagpapahiwatig ng mensahe sa anumang anyo ng akda, lalo sa kuwentong iyong ginagawa. mga empirikal na sitwasyon karanasan kung saan pwedeng ipasilip ang mas malawak na realidad…

    sige lang,okey lang mapagbibintangan kang may topak sa pagkausap sa mga palaka, pero kung magagamit natin sa wastong pag-uugnay-ugnay ang palaka, ang hopya, ang awit, ang kalikasan, marahil ito ang landas tungo sa katotohanang nakakubli lagi na laging pinupuntirya ng mga artist o makata.

    may writer na nagsabi na si pavarot raw ay nakaupo sa kanan ng diyos (patay ng ba siya?) dahil napakaganda niyang umawit,

    ganito ipinapakalat ng literaturang romantisista ang metapisikal ng mundo; kaya naman natutuwa ako sa iyo, si pavaroti ay ibinalik mo sa gubat, kundi man kanal, ang kanyang tinig ay walang iniwan sa isang palaka na kargando ng mga imaheng dapat matutuhan nating gamitin sa pagtuklas ng katotohanang laging hindi mahuli ng mga baliw o nagbabaliw-baliwang mga aritst.

    hanga ako sa gumawa ng ad copy ng sprite (ba yun?) ang sabi niya,

    magpakatotoo ka!

    saludo po ako sa iyong guniguni

    Tugon

  2. Posted by brokenform on Hulyo 17, 2009 at 08:49

    salamatpo…

    … patay napo si pavaroti. at lubha ngang napakagaling nya sa pag-awit nung nabubuhay pa.

    sa susunod na kabanata ko na po bibigyan linaw ang koneksyon ng hopya sa gubat… [marami pang hopyang muubos sa kaiisip ng susunod na isusulat].

    Tugon

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: