Watak Na Pag-Inog

watak na pag-inog

watak na pag-inog

Nakaupo ako sa buhanginan, minamasdan ang paglubog ng araw sa dulo ng karagatan, habang pinakikinggan ang bawat dampi ng alon sa dalampasigan. Tila musika ang tunog ng hanging kumikiliti sa aking tenga. Gayunpaman, hindi kayang payapain ng himig ng kalikasan ang uhaw na aking nararamdaman. Bakit ganito? Kung kelan ko napakinggan ang mga pantas, mas lalo akong nagnananais na malaman pa ang misteryo ni Panahon. Samakatwid, walang hanggan ang lihim ng kanyang pag-iral. Kaya pala walang sawa ang mga pantas sa katititig sa kanyang misteryo.

Muli kong minasdan ang dalawang relo. Unti-unting bumagal si Mabilis, waring inaantay si Mabagal na maabutan s’ya. Nababanaagan ko sa aking isipan ang nabubuong ritmo sa dalawang relo, isang ritmong unti-unting nagiging harmoniya at nabuo sa iisang hugis ng tik-tak. Lubha akong namangha sa kakatwang pagniniig, isang pagsasanib ng prinsipyong imposibleng mangyari sa kasalukuyan. “Hindi sa lakas nakakamit ang pagsasanib ng prinsipyo, kundi sa pagpapakumbaba at pag-ibig,” wika ni Panahon. Kanina pa pala n’ya ako pinagmamasdan. “Pinabibigay nga pala ng ikaapat na pantas ang sukli mo sa pagbili ng relong yan,” dugtong n’ya. Agad ko namang inabot ang sukli. Pamasahe ko rin yun pauwi. Pagod na din akong maglakad.

Matagal kaming nag-usap ni Panahon. Madilim na ang paligid nang mapansin kong nagliliwanag na ang kanyang kasuotan. Lubos akong nabahala sa pangitain. Tiniyak kong di ako nakasinghot ng medyas ni Mad Scientist nung araw na ‘yon. Totoo ang pangitain at lalo akong nawindang nang may lumitaw na banga sa itaas, nagliliwag at umiinog. Lalo akong nasindak ng mabasag ang banga ngunit patuloy sa pag-inog ang mga bahagi na dahan-dahang lumalayo sa bawat isa. “Ang bangang ‘yan ang sisidlan ng isip, damdamin at paniniwala ng sangkatauhan,” wika ni Panahon.

Wala na ang pangitain, Di na rin nagliliwanag ang damit ni Panahon. Ngunit sa puso ko’y tumimo ang kahulugan ng aparisyon: ang pagbulusok ng daigdig…    … sa isang WATAK NA PAG-INOG.

Nilisan ako ni Panahong may mariing pagnanasang tuklasin pa ang kanyang walang hanggang misteryo. Naglakad s’yang palayo. Nalakad na lang s’ya. Dahil naisukli na n’ya sa akin…    …ang dala n’yang PAMASAHE.

Kabanata 11 sa seryeng Kwentong Dagta

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: