Kahulugan ng Parallel

Patuloy ang balitaktakan namin ni Mad Scientist sa banketa nang mapunta ang paksa sa matematika. “Maalaala ko nga pala, hindi mo natapos ang pagpapaliwanag sa akin noon tungkol sa kahulugan ng parallel. Nagmamadali na kase ang isang seksi na manuod kayo ng sine…  …ang guwapo mo kase. Sobra!” Kinilabutan ako sa kasinungalingang nagawa. “Ganito kase ‘yan…,” sagot niya, “… ang parallel ay dalawang linya na magkatabi at hindi na magtatagpo kailanman.” Tila patay malisya s’ya sa katagang “guwapo” na aking nabanggit at nagpatuloy s’ya sa pagpapaliwanag habang tahimik akong nakikinig sa kanya.

“As in…   …di sila magtatagpo kailanman?” Kunot ang noo’t salubong ang kilay akong nagtanong. “Hanggang sa dulo ng walang hanggan,” sagot n’ya. Napabuntong hininga ako. Nagsisimula na naman akong ma-stress. Alam ko na ang kasunod nito… “hindi ako makakakain, di makakatulog at di makakapag-text sa paliwanag mong ‘yan,” bulalas ko kay Mad Scientist. “Wala akong magagawa,” tugon n’ya, “‘yan ay batas na pinanday at pinatunayan na ng panahon. Wala pang batikang mathematician ang nangahas na baliin ang batas na ‘yan. Ikaw baka gusto mong i-try.” “Aba! ‘Wag ako. Hirap nga ako ipasa ang math, mangangahas pa akong baliin ang batas,” sagot ko.

“Ngunit ang batas ng matematika ay mababali…” patuloy ni Mad Scientist, “…nakasaad ‘yun sa mga hula ng mga pantas.” Lalong kumunot ang aking noo at nagsalubong ang aking kilay. Lalo akong na-stress. Ramdam ko ang unti-unting pagguhit ng wrinkles sa king mukha. Ang hirap palang kausap ang mga henyo, madali akong malolosyang nito. “You mean…    … magsasalubong ang parallel sa dulo?” Tanong ko. “Exactly!” Tugon n’ya. “Mabubuwag ang mga theorem, magugulo ang mga equation at guguho ang pundasyong itinayo dantaon na ang nakalipas. Mangyayari ang lahat ng ito kapag naganap na…” “Kapag naganap na ang alin?” Tanong ko.  “… ang SONA ng pangulo,” dugtong n’ya habang ibinubuga ang usok ng sigarilyo at ang mata’y nakasunod sa seksing dumadaan.

Gusto ko s’yang dagukan dahil sa seksing dumaan ngunit pinigil ko ang aking sarili dahil may sense s’yang kausap. Sabagay, di lang batas ng matematika ang nasasalaula tuwing SONA, pati na rin prinsipyo ng ekonomiya. Ibinabandera kase dun ang kaunlarang nakikita sa alalapaap at tinitingala ng mga mamamayang gutom.

Natagpuan na lang namin ang aming mga sarili na umiinom ng beer sa may tindahan, sising-sisi kung bakit nauwi sa SONA ang usapan. Nagpasya na lang tuloy kaming lasingin ang aming mga sarili upang makalimutan…   … ang GUTOM NA NARARAMDAMAN…    …habang nakatingin sa nakasulat sa billboard: RAMDAM ANG PAG-UNLAD!

Kabanata 8 sa seryeng Kwentong Dagta

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: