Ang Mahiwagang Alipin

Naroon pa rin ako sa madilim na silid. Nililinis ko ang mga nagkalat na katol sa sahig at baka mapag-diskitahan na naman ni kaluluwa. Habang nagwawalis, naglalaro pa rin sa aking isipan ang mga hiwagang nangyayari sa apat na sulok ng silid na yun. Epekto nga ba ‘to ng katol? O mayroon talagang hiwagang bumabalot sa karimlam ng silid na ito? Naku! na-i-stress na naman ako. Di na naman ako makakatulog, di makakakain at di makakapag-text. Ngunit tila narinig ni Bathala ang aking daing na ‘wag tuluyang magka-wrinkles. Biglang may liwanag na nagmula sa itaas. Naligo ang aking mukha at katawan sa liwanag na ‘yon na nagmumula sa isang…    …bombilya.

Sa pagliwanag ng buong silid, doon ko natuklasan ang sagot sa aking katanungan. May alipin pala si tanikala. Nakita kong nakaguhit sa pader…    …si Kasarinlan. Matagal nang nawala si Kasarinlan. Inakala ng lahat na hindi s’ya umiiral, na gawa-gawa lamang s’ya mula sa imahinasyon ng mga rebolusyunaryo. Kay ganda ng pagkakaguhit sa kanya, buhay na buhay. “Buhay talaga ako, gunggong!” Nanlaki ang aking mga mata, nangalisag ang aking mga balahibo at tumulo ang aking laway [slurp]. Nagsasalita si Kasarinlan! Sinampal ko ang aking sarili. Tiniyak kong hindi ko nasinghot ang katol at hindi ako nananaginip.

“Kumusta na ang Pinas?” Tanong ni Kasarinlan. Totoo na na talaga ‘to. Nakikipag-usap talaga s’ya sa ‘kin. Bakas sa mukha n’ya ang lungkot, sa mga braso n’ya ang galos ng mga pahirap, sa kanyang likod ang latay ng mga latigong dantaon n’yang tiniis at sa kanyang mga labi ang lipstick ni kaluluwa. Lipstick? Ni kaluluwa? Malandi pa rin pala ‘tong damatan na ‘to. Pati si kaluluwa inakit. Maaaring sinamantala ang pagiging high nito sa katol.

“Magulo ang Pinas ngayon,” sagot ko. “Ayaw nang bumaba ang mga nasa p’westo. May niluluto silang litson ngayon upang manatili nang matagal. Laganap ang katiwalian sa gobyerno. Panay trapo at artista na lamang ang nananalo sa eleksyon. At exited sila lagi sa pagbisita ng hukbong Amerikano sa bansa.” “Kalunos-lunos! Lahat nang ito’y kagagawan ni Independencia,” malungkot na pahayag ni Kasarinlan. “Independence na ang pangalan n’ya ngayon. Sosyal na kase s’ya,”  tugon ko. Tumagal ang aming usapan. Naungkat ang pagpapakulong sa kanya ng mga Amerikano sa silid na ‘yon at ang pagluklok nila kay Independencia bilang simbolo ng kalayaan 111 taon na ang nakalilipas.

Nagpaalam na ako sa matanda. At habang naglalakad ako palabas ng silid iniisip ko ang kasinungalingang ikinintal sa isip namin ng mga naturingang ama ng kasaysayan. Kalunos-lunos nga ang sitwasyon ng Pinas. “In fairness….,” pahabol ni Kasarinlan kaya napahinto ako at napalingon, “… anseksi talaga ni kaluluwa.” Napayuko na lang ako at napabuntong-hininga. Binilisan ko na lamang ang lakad palabas ng silid… … bago pa magdilim ang aking paningin at makapatay ako ng tao.

Kabanata 6 sa seryeng Kwentong Dagta

u2-philippine-revolution

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: