![DSC02841 Kapag nawala ang tuldok sa cell phone, titigil ang inog ng mundo sa Pinas. [Photo by Pamela Gabuco]](https://dagta.files.wordpress.com/2009/06/dsc02841.jpg?w=300&h=225)
Kapag nawala ang tuldok sa cell phone, titigil ang inog ng mundo sa Pinas. -Photo by Pame Gabuco
Walang sukat,
Walang hangganan, tukoy na lugar o direksyon.
Isang ekspresyong matematikal
At isang konseptong pilosopikal.
Sa iyo nababatay ang kawalang hanggan ng linya
At ang anyo ng polygon.
At ikaw din ang hudyat sa kanilang pagsasalubong.
Walang hanggan mong pinupuno ang ikalawa at ikatlong dimensyon.
Itinatakda mo ang paghihiwalay ng lawak at hangganan.
Ikaw ang nagtatakda ng simula at paghinto
At ang hudyat sa pagsilang at pagtigil ng mundo.
Isa kang koseptong naabuso sa mundong digital,
Isang bahid na di mahanap sa hugis at kaluluwa.
Sa mga simbolo mo nakatingin lahat ng nilalang
At sa iyo nababatay ang kanilang pagkilos
Ngunit ang di nila batid, sa piling nila’y di ka umiiral
At sa damdamin nila’y hindi ka sumisingaw
Pagkat ang inakala nilang ikaw ay di ikaw
At ang nakita nilang mukha ay isang maskara.
Gayunpaman, mananatili ang kanilang pag-aakala
At mananatili silang bulag.
Wala ni isa mang nakapansin,
Wala ni isa mang nagtanong
Pagkat sila’y namuhay sa mundo mong panandalian,
Sa mga guhit ng itinakda mong hangganan
At sa mga panandaliang hugis na ipinakikita mo sa internet at telebisyon.
Sa mga sulok ng kanilang panlasa ika’y nanuot
At lalo nilang inakala na ikaw ay umiiral.
Ngunit nasaan ka nga ba?
Inapuhap kita sa mga maliliit na bagay.
Ngunit sila’y nanatiling mga simbolo ng iyong kawalang hanggan.
Gumamit ako ng mikrosokopo at ikaw ay sinilip
Ngunit sa mundo ng mikrobyo’y di naaninag ang iyong hugis.
Lahat sila’y nagsilbing iyong palatandaan.
Lahat sila’y lumipas ngunit ikaw ay nanatili
Sa apat na sulok ng aking isipan.
Matagal na kitang kinalimutan,
Matagal na kitang pinabayaan.
Ngunit muli’t muli dumadalaw ka sa aking kaisipan
Pilit kitang itatakwil
Ngunit paulit-ulit na hahanapin.
Sa kalawakan na walang patutunguhan
Ikaw ay hahagilapin.
Sapagkat ngayon ko napagtanto ang iyong kahalagahan,
Ang epekto ng iyong pagkawala.
At ngayon ko lang natutunan ang mag-panic
Mula noong ayaw nang gumana ang tuldok
Sa keyboard ng aking computer.
Ipagpaumanhin mo ang aking kalapastanganan…
… Dahil natutunan kitang i-copy-paste.
Posted by blurosebluguy on Hunyo 17, 2009 at 23:46
anyways…..malalim ah……
Posted by dagta on Hunyo 20, 2009 at 00:10
salamat, nawa’y masamahan n’yo ko sa repleksyong ito…
Posted by Hugis Matematikal « Mga Kathang Isinulat sa Dagta on Hulyo 1, 2009 at 23:17
[…] Pilosopiya | Tags: hugis, linya, matematikal, tuldok | Itinakda sa batas ng matematika na ang tuldok ay nagsasaad ng partikular na lugar sa kwadrant. Ito rin ang tumutukoy sa pokus ng elipse ay […]