Pagbabantay sa Dapit Hapon

Peklat sa kamay,
Sunburn sa likuran,
Pudpod na tsinelas,
Eyebag sa mata,
Karag-karag na sasakyan,
Ga-patak na gasolina,
Kakarampot sa sweldo na pinaghahati sa madaming inakay:
Ganito mo ako inalagaan.

Kapirasong patpat…
Iwinasiwas…
Upang takutin ang mga higanteng may armas.
Takutan…
Duruan…
Hilaan ng bangka…
Ngunit nanatili ang hawak mo sa kapirasong patpat.
Ganito mo ako pinaglaban.

Balumbon na pera…
Bayong-bayong minsa’y barya-barya.
Pinagduldulan sa mukha mong bakas ang kahirapan.
At sa bawat pagtanggi mo’y nadurugtungan
Ang aandap-andap kong buhay.
At alam kong patuloy kang tatanggi
Pagkat di mo matitiis na patuloy nila akong gahasain.
Ganito mo ako pinahalagahan.

Sa bawat paglubog ng araw
Ako’y payapang mahihimlay
Dahil alam kong patuloy kang magbabantay.
At sa bawat pagsikat ng araw
Muli’t muli kitang pasasalamatan
Sa walang sawang pagmamatyag.

Ngunit ikaw ay nag-iisa…

Nakatingin lahat sila sa ‘yo
Habang ika’y pinapalakpakan
Nakakatulig ang papuri ngunit ni isa’y walang dumamay.
Nag-alay sila ng piging ngunit patuloy na kumakalam ang iyong sikmura.
Hindi mo maunawaan ang mga pagkilalang nakasabit sa ‘yong mga dingding
At ang mga artikulong tungkol sa ‘yo’y isinulat.

Patuloy ang iyong pagbabantay…

Ngunit nararamdaman kong di na ako magtatagal.
Unti-unti nang namamatay ang aking dagat,
At ang mga puno ko’y raragasa sa kabihasnan.
Darating ang panahong hindi na ko maituturing na paraiso
At makikipagniig na lang ako sa iyo sa ala-ala,
Bilang isang konsepto ng nagpasalin-saling salita.
At sa dapit hapon ng ‘yong buhay,
Mamasdan mo na lang ang aking larawan.

Gayunpaman, masaya akong hihimlay
Dahil kahi’t papaano…

…Merong sa aki’y nagmahal.

Photo by Pamela Gabuco

Photo by Pamela Gabuco

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Palitan )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Palitan )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Palitan )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Palitan )

Connecting to %s

%d bloggers like this: