Lipat Bahay

Sa kadahilanang mahirap mag-maintain ng 4 na blog, lumipat na po ako ng bahay. Doon sa unang blog na ginawa ko…   …ang iskul ob pilosopi. Salamat po sa inyong pagtangkilik sa blog na ito.

Advertisements

Ekonomiks 101: Kaunlaran

Hindi ako ekonomista. Ngunit naguguluhan ako sa “kaunlarang” ipinangangalandakan ng administrasyon sa kabila ng pagdami ng mga nagugutom at walang trabaho. Sapat na bang batayan ang pagdami ng minahan sa bansa? Sukatan ba ang remittances [Capital LBC] na pinapadala ng mga OFW? E bakit, patuloy pa rin ang pagkadismaya ng sambayanang Pilipino?

Baka naman nakasama sa bansa ang pagkakaroon ng mga ekonomistang nag-aral sa mga akademya ng dayuhan. Baka di akma sa atin ang sinasambang ekonomiya ng kanluran na nag-pakilala sa atin ng plastic [at kapalstikan], pestisidyo, krudo, mina at pulbura. Marahil ay di akma ang parametrong pilit nilang ipinagduldulan sa mga mahihirap na bansa. Marahil ay masyado tayong kinilig sa industrialisasyong naghatid ng bilyong tonelada ng Carbon sa atmosphere.

Buksan natin ang ating mga mata. Ano ba ang dulot ng industriyalisasyon sa bansa? Naging dependent ang ating mga sakahan sa pestisidyo. Naging marumi ang ating karagatan sa plastic at latak ng pabrika. Nangitim ang hangin sa mga siyudad dahil sa krudo. At marami ang nagkasakit dahil sa pagmimina.

Masyado akong na-stress sa sitwasyon nating ito kaya mungkahi ko na baguhin natin ang batayan ng kaunlaran ayon sa tunay na pangangailangan ng ating bansa:

1. Agrikultura. Bakit natuon nang labis ang pansin natin sa pag-unlad na dulot ng industriyalisasyon at nakaligtaan natin ang kasiguruhan sa pagkain? Lahat ay gusto sa siyudad. Lahat ay gusto magtrabaho sa pabrika at opisina. Wala na ang gustong mag-aral ng agrikultura. Iniwan nang tiwangwang ang mga lupain. Pinalala pa ito ng wala sa pusong pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program.

2. Kalusugan. Hindi ba’t ang kalusugan ay batayan din ng maunlad na pamayanan? Aanhin ang mga gusali’t basketball courts kung laganap ang sakit at malnutrisyon. Ito ang bagay, kasama ng kalikasan,  na ipinagpalit natin sa “yamang” bigay ng mina.

3. Kalikasan. Sustainable Development – ito ang gasgas na salitang patuloy na ginagamit sa industriyang turismo. Ngunit napigilan ba ang kontaminasyon ng tubig na dulot ng tinatawag nilang “mass tourism?” Napigilan ba ng pagkasira ng bahura dahil sa pagdagsa ng mga iresponsableng turista? Matagumpay ba ang DENR sa pangangalaga ng protected areas? O baka naman sila ang dahilan ng pagkasira nito?

Sa kalikasan nakasalalay hindi lang ang pangmatagalang industriyang turismo kundi na rin ang kasiguruhan sa pagkain. Ang maayos at organisadong pangangalaga ng kalikasan ang tunay na batayan ng kaunlaran.

4. Karunungan. Isa ring batayan ng pag-unlad ang karunungan at kaalaman. Ngunit hindi sapat ang pagpapatayo ng mga paaralan at hindi rin sapat ang mababang tuition fee, libreng aklat at karagdagang guro. Makikita ang pag-unlad sa kakayanan ng mga mag-aaral na mamuno, kasanayan sa larangan ng agham at malawak ng pag-unawa sa mga nangyayari sa bansa.

5. Moralidad. Ito ang pinakamataas na batayan ng pag-unlad. Kung sapat ang pagkain hindi na maiisipan ang magnakaw at manlamang ng kapwa. Kung sapat ang talino, may malawak na pang-unawa sa bawat isa. At kung malinis ang kalikasan, malinis din ang maiisip ng mga mamamayan.

Panahon na ba para iwan natin ang maka-dayuhang pananaw sa pag-unlad? Marahil ay hindi pa tayo handa. Maharil ay ayaw natin. Marahil ay mali ako.

Art Kontest

Ayoko man ay napilitan akong isali ang aking ipininta sa isang kompetisyon. Kapos ako sa pera at sayang din ang limandaang consolation prize. Maging ako ay di matitigan ang nasabing larawan dahil sa tuwing makikita ko ang mukha ni Diego’y sinisisisi ko ang aking sarili. Bakit ba ako nagpapapaniwala sa aking kamay?

Halos ayaw kong ipakita ang aking “obra” sa mga taong naroroon sa pinagdausan ng kontest.  At nang isabit na ang mga entry ay tumayo ako sa malapit sa nasabing piyesa. Nangangamba ako sa magiging puna ng mga kritiko.

At nangyari nga ang aking pinangangambahan. Nag-usap ang dalawang kritikong napadaan. “Wala sa proportion, walang balance, bagsak din ang contrast,” Ani ng unang kritiko. “Walang harmony,” ang wika ng ikalawa. Di ko man nauunawaan ang kanilang sinasabi’y nahu-hurt ako. Unti-unting nadudurog ang aking self-steem. At tuluyan nang nalusaw ang aking mga pangarap na maging totoong pintor.

Dumating ang ikatlong kritiko. “Wala sa poise ang pose ni Diego,” puna n’ya. Doon napanting ang aking tenga. Bayolente akong nakipagtalo sa tatlong kritiko. Ipinaglaban ko na maganda ang aking gawa kahit sarili ko’y di kumbinsido sa aking pinagsasabi. Nandito na rin lang, panininindigan ko na.  Inawat ako ng guwardiya nang akmang magbabasag na ako ng paso.

At dumating ang oras ng paghuhusga. “At ang nagwagi… ‘Pusikit na Karimlan,'” pahayag ng punong hurado. Napanganga ako. Natahimik ang lahat, pati ang tatlong kritiko. Panalo ako? “Ang ipinagwagi nito ay hindi ang ganda ng larawan…   …kundi ang pagpapahalaga ng pintor sa kanyang gawa. Ito ang sining na di kayang pantayan ng lahat ng lumahok,” Dagdag niya. Namalayan ko na lamang na tumutulo ang luha sa aking mga mata. Mula ngayon hindi na ako matatakot magpinta. Hindi na rin ako magpapa-apekto sa mga puna ng kritiko. Ang mahalaga sa akin ngayon ay ang pagpapahalaga sa aking gawa.

Namalayan ko na lang ang aking sarili na nasa internet shop. Ginu-google ang mga katagang “proportion, balance at contrast.”

Anyo ng Nagdurusang Lipunan

Artwork by Kutchai Jovi

Artwork by Kutchai Jovi

Patuloy pa rin ang daloy ng buhay habang hinihintay ko ang pagtatagpo ng buwan at ng planetang Mars. Tulad ng nakagawian, namalengke ako ng lulutuin. Pamilyar ang mga mukha sa palengke. Normal na normal ang buhay. Wala na ang nagsasalitang kamatis at wala din nang araw na ‘yun si Mad Scientist.

Matapos mamili ay magaan ang loob kong umuwi. Bumili na rin ako ng ice cream. Dapat ay magsaya ako ngayon pagdating sa bahay dahil walang kakatwang nangyari. Napawi ang aking ngiti nang mapansin ko ang isang matandang babaeng nakatayo sa tabi ng poste ng kuryente. Namamalimos sya. Kaawa-awa ang kasuotan. Napatigil ako sa paglalakad. Bakit ganito? N’ung nakaraang araw lang ay napanuod ko sa TV ang SONA ng pangulo, kay gandang pakinggan, kitang-kita mo ang imahen ng isang matinong ekonomiya. Ngunit bakit windang ang takbo nito dito sa kalsada? Saan kaya ang kulang? Nasa namumuno kaya o sa sistema? Nasa kalipunan ba ng mga kongresista na nagsusulong ng CHA-CHA? O baka naman sa mga botanteng mamamayan na wiling-wili sa mga artista at mga namumudmod ng pera?

At ang matandang babae na ito sa harapan ko ay larawan ng nagdurusang lipunan, ng mamamayang kunwari’y pinagmalasikitan. Sa mga kamay n’ya’y bakas ang dekadang pagsusumikap makaahon na nawalan ng saysay. Sa mga mata n’ya’y nakikita ang paghahanap sa pag-asang tila nagtatago sa mga sulok ng basurahan, paghahanap na nauwi sa isang titig ng pagkamuhi. Nagulat ako nang bigla akong sampalin ng matanda. “Manyakis!” Galit na turan ng matanda. Hindi na ako nakaimik. Marahil ay dala lang ‘yon ng kalabuan ng kanyang mata.

Habang naglalakad akong paalis sa lugar na’yon, napagtanto kong mas masakit pala sa panga ang titigan ang katotohanan sa kalye kesa maghapong magtalumpati ng kasinungalingan. At nadaanan ko ang isang maton na nakatambay sa may tindahan…   …iniiwas ko na ang aking mapanuring mata. Ayoko nang tumitig sa katotohanan. Ayoko nang mapanga.

Kabanata 19 ng seryeng Kwentong Dagta

Tanawin sa Takipsilim

Hindi panaginip ang nangyari. Tiyak kong hindi dahil naririto sa kamay ko ang lumang kalendaryo. Ngunit bakit naririto akong bigla sa barong-barong ko sa bukid? Sino na naman ang nagdala sa akin dito? Marami nang kakatwang nangyayari sa akin ngayon na di ko maipaliwanag. Napuruhan kaya ako ng katol na hinitit ko noon? May epekto pa kaya ‘yun kahit na matagal ko nang itinigil ang nasabing kahibangan?

Naguguluhan man ay ipinagpatuloy ko ang aking buhay. Nilinis ko ang dampa at nagsibak ng kahoy. At matapos ng maghapong pagpapagal ay naupo ako sa hagdanan, tinatanaw ang paglubog ng araw. Tila nagbabadya ng masalimuot na lakbayin ang paglamon ng karimlam sa liwanag. Ngunit isang bagong pag-asa naman ang tila hatid ng mga talang unti-unting naglilitawan. Ang sabi sa lumang kalendaryo, kapag nagtapo ang buwan at ang planetang Mars, ito na ang hudyat ng paglusong sa daigdig ng tuldok. Sa tant’ya ko ay isang linggo pa ang aking hihintayin.

Naalala ko ang sinabi ni Mad Scientist. Ang mga talang nakikita ko ngayon ay maaring wala na sa kasalukuyan. Dahil sa layo nila, naglalakbay ang kanilang liwanag nang daang-libo hangang milyon-milyong taon. Maaaring ang mga nakikita ko ay liwanag na lamang ng mga patay na bituin. Hindi ko malimi ang napakalaking agwat ng mga mundo. Ganito na ba kalaki ang uniberso? Ano ang saysay ng tao na maliit pa sa tuldok kung ihambing dito?

Naisip ko bigla, ba’t ko nga ba pinahihirapan ang aking sarili? Ano naman ang kinalaman nito sa buhay ko? Kikita ba ako ng pera kapag inisip ko ito? Kung po-problemahin ko ba ang mga bagay na ‘yan ay magkakaroon ako ng lupang sasakahin at magkakaroon ng bigas na isasaing? Isasaing, hmmmn… isasaing… isasaing. Siyeet! Nasusunog na ang sinaing ko!

Humupa na ang aking tensiyon sa nasunog na sinaing. Nakakain na rin ako ng sunog na tutong. Nasa hagdanan na uli ako, nakapangalumbaba at nagpapakalma. At ngayon, nasabi ko na sa sarili ko habang nakatitig sa mga bagay sa kalawakan…   … I HATE ASTRONOMI.

Kabanata 18 ng seryeng Kwentong Dagta

Lumang Kalendaryo

“Hindi ako dadalo sa SONA,” pahayag ni Katotohanan. Nababasa n’ya pala ang iniisip ko at di na s’ya magulong magsalita ngayon. “Ako na ang nahihiya sa magiging laman nito,” dagdag pa n’ya. Natanto ko kung gaano na kalala ang problema ng bansa dahil pati si Katotohanan ay di na matagalan ang nakakahiyang pinaggagawa ng mga pulitiko. Di na rin n’ya masikmura ang kanilang pagkauhaw sa kapangyarihan at salapi.

Ang mga ito ba ang dahilan ng kanyang pagkakabilanggo sa madilim na piitang ito? Nanatili itong palaisipan sa akin. Napatingin ako kay Katotohanan. At ibinato n’ya ang isang makahulugang ngiti. “Secret!” Tugon n’ya sa tanong ng aking kaisipan. Lalo akong na-stress sa sinabi niya. Kunot ang noo akong napahawak sa mga rehas. Nakatitig sa kawalan. Kunwari may iniisip habang binubulong, “May pasecret-secret pang nalalaman.”

Bigla, tinapik ako ni Katotohanan sa balikat. Iniabot n’ya sa akin ang isang lumang kalendaryo. “Naririto ang dahilan kung bakit ako nakakulong dito. Tatanawin kong utang na loob ang iyong pagmamalasakit.” Kahit alanganin ay tumango akong medyo pilit. Tila mapipilitan akong maglakbay nito sa daigdig ng mga patay. Binasa ko ito. Napakunot ang noo kong napatingin sa kanya, umiiling na nagsabing, “Di ko ma-gets.”

Bago ko lang napansin ang kadahilanan kung bakit di ko ito maunawaan. Patay pala ang ilaw. Hindi ko nga pala mabasa ang mga titik sa kadiliman ng silid. Bakit ngayon ko lang ‘to naisip? Kinapa ko ang switch. Ngunit nagkailaw na’t lahat ay di ko pa rin maintindihan ang nakasulat sa lumang kalendayo.

Naguguluhan, kunot noo at anyong nagmamakaawa na tumingin ako sa kanya. Galit na ang mukha ni Katotohanan at pasigaw na n’yang tinuran, “Hanggang ngayon ba’y di mo pa rin alam na unti-unti nang nauubos ang oras? NAKALIMUTAN MO NA BA ANG KAHALAGAHAN NG PETSA NGAYON!!!? Nag-panic na ako at naghagilap ng maisasagot, “Ha–a–pi…  …Anibesari?”

Nakakasakit na Titig

Naglakad-lakad pa ako sa loob ng bilangguan. Tila walang katapusan ang lawak nito. May mga bilanggong nakahandusay, may nakagapos, may tumatangis, may tumatawa at may naghihilik. Napahinto ako sa paglalakad nang mapansin ko ang isang kakaibang preso. Isang babaeng nakaupo sa sahig at nakagapos ang dalawang kamay sa likuran. Gula-gulanit ang kanyang damit, buhaghag ang buhok at nakayuko.

Lumapit ako sa mahiwagang bilanggo. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman habang papalapit. At laking gulat ko nang iangat n’ya ang kanyang mukha. Si Katotohanan pala ang bilanggo. Tinanong ko s’ya kung bakit s’ya naroon. Ngunit laking pagtataka ko kung bakit magulo s’yang kausap ngayon. Di ko mawari kung s’ya ang magulo magsalita o ako ang magulo mag-isip. Bago ko lang na-realize na Bisaya pala s’ya, British accent nga lang.

Pinilit ko s’yang pakinggan at napagtugma-tugma ko ang kanyang ibig sabihin. Si Tuldok pala ang nagpabilanggo sa kanya. Ngunit bakit? Hindi ko na nagawang magtanong uli at baka dumugo na ang ilong ko. Naputol ang aking pagmumuni-muni nang bigla akong makaramdaman ng pagkirot ng dibdib. Nasasaktan ako sa mga tingin ni Katotohanan? Dahil ba sa isa akong sinungaling? Paano na kung um-attend to ng SONA? Baka may mamatay.

Natakot na ako. ayaw ko nang magsinungaling. Baka ikamatay ko pa. Lalo na’t hindi pa ako handa. At nagsimula na akong mag-panic. Aaminin ko na ba kay Katotohanan na crush ko sya? At sa pangalawa niyang titig, nagsimula na akong mag-blush.

Kabanata 17 ng seryeng kwentong dagta