Lulugo-lugo akong naglalakad sa lansangan nang makasalubong ko si Mad Scientist. “O, natumbok mo na ang kasagutan?” Tanong niya. “Hindi eh… … nab’wisit ako sa ikaapat na pantas… …wala s’yang sense kausap,” tugon ko. “Ano!? Di mo ba alam na nasa ikaapat na pantas ang kasagutan?” Ipinaliwanag ni Mad scientist na ang relong inaalok ng ikaapat na pantas ang susi sa pagbubukas ng misteryo ng panahon.
Dali-dali akong bumalik sa silid na kinaroroonan ng lumang orasan. Maghapon akong nagmatyag ngunit wala pa rin akong tinig na naririnig. Nagsisi tuloy ako kung bakit ko hinusgahan agad ang ikaapat na pantas. Nakatulog na ako’t nagising, ngunit wala pa ring tinig. Sinubukan kong amuyin uli ang medyas ni Mad Scientist. Nagdilim ang aking paningin… … ngunit wala paring salita akong narinig. Groge akong tumayo at susuray-suray na lumakad papalapit sa lumang orasan. Dala ng desperasyon, isinubsob ko ang aking ulo sa orasan. Aba! Naglagos ako uli. Nakapasok uli ako sa loob. Ngunit wala na roon si Panahon. Wala na rin ang mga pantas maliban sa isang may bitbit na dalawang relo. “Alam kong babalik ka,” wika n’ya, “Ano?! Buy one take one?” Wala nang tanong tanong, dumukot ako ng pera at binili ang relo.
Minasdan ko ang dalawang relo. Mas mabilis ang takbo ng isa. “Ang mga pangyayari ay iba-iba ang takbo, iba’t iba ang bilis. Ngunit lahat ay naglalakbay sa isang pangkalahatan at unibersal na pagbabago,” paliwanag ng pantas. Ngayon ko napagtanto na s’ya ang ikaapat na pantas bagaman hindi na s’ya boses bumbay. Nagtago pala s’ya sa anyo ng isang walang sense kausap. Pinasalamatan ko ang pantas. Hindi salita ang kanyang tugon kundi isang marahang pagpikit ng mata, pagtulis ng nguso at makahulugang ngiti kapagdaka. Kinikilabutan akong umalis at lumabas ng orasan ngunit magaan ang saloobin dahil naunawaan ko na ang misteryo ni Panahon.
Natagpuan ko na lang uli ang sarili ko sa tabi ng puno… … at sumusulat muli sa mga dagtang umaagos doon. Matapos ang pagsusulat, naupo ako at tahimik na tinitigan ang unti-unting pagkatuyo ang dagta. At habang lumalakad ako paalis sa pook na iyon, umaasa akong may ilang kaluluwang maliligaw at magbabasa ng aking mensahe, mga kaluluwang pinapakilos ng iisang orasang naging batayan ng lahat ng paggalaw sa modernong mundo. Umaasa akong mamumulat sila upang magsikap na lumaya sa kahong itinakda ng pagmamadali at sa sistemang nilikha ng industriya.
Patuloy ang aking paglalakad, di tiyak ang patutunguhan ngunit alam ko na ang daan na tinatahak ko ay daan ng kahinahunan at paggalang sa panahong umiinog sa bawat nilalang, mabilis man ito o mabagal.
Kabanata 10 sa seryeng Kwentong Dagta
Reaksyon