Archive for Hulyo 22nd, 2009

Halik sa Mga Basang Rehas

tungk

Hindi ko maalala kung bakit ako napadpad sa kulungang ito. Ang huli kong naaalala ay nakatulog ako habang nagpipinta. Di ko alam kung sino nagdala sa akin dito. Kakatwa ang nangyayari ngunit gising ako. Alam kong gising na gising ako ngayon.

Ipinasya kong bumangon mula sa pagkakahandusay sa malamig na sahig. At ako’y naglakad sa madilim na kulungan, sinusuri ang kapaligiran at inaalam ang mga bagay na naroroon. Malawak pala ang kulungan. Napakaraming rehas. At sa dako pa roo’y may naaninag akong mga bilanggong tila dantaon nang nanatili. Ang isa’y nakahandusay sa sahig, naliligo sa sariling pawis at dugo, umuungol at umuusal ng mga daing na tila bathala lamang ang pwedeng umunawa. Ang isa nama’y tumatawa, tila aliw na aliw sa pagkakagapos sa isang sulok.

Natuon ang aking pansin sa ikatlong bilanggo. Nakaupo s’ya sa tabi ng rehas. Walang emosyon ang kanyang mukhang nakadikit sa rehas ngunit patuloy ang pagpatak ng kanyang luha. Lubos akong nagambala nang tagpong ‘yon. Tila sumisikip ang aking hininga at  unti-unting humuhulagpos aking kaluluwa mula aking katawan. Pasikip nang pasikip ang aking hininga nang bigla, nakahagilap ang kamay ko ng inhaler at sininghot. Ayun, nakahinga uli ako.

Habang ninanamnam ang kaginhawaang muling nasumpungan ay napatitig ako sa mga rehas. Wala na doon ang ikatlong bilanggo. Ngunit naiwan ang kanyang mga luha sa rehas na tila may nais ipahiwatig sa akin.  Napa-buntong hininga ako’t nagmuni, nag-isip nang malalim. At ngayon ko lang na-realize…    …na nandun pala ang ikatlong bilanggo…   …sa kabilang sulok at nagmimiryenda.

Kabanata 16 ng seryeng kwentong dagta